Ang Tunay na Pagkakakilanlan ay Nagmumula sa Diyos



Tinuturuan tayo ng mundo na kilalanin ang ating sarili… pero paano natin tunay na makikilala ang ating sarili kung hindi natin kilala ang ating Manlilikha?

Nakatala sa Marcos 1:11 ang kumpirmasyon ng Ama tungkol kay Jesus kaagad pagkatapos ng Kanyang bawtismo. Pagkatapos Siyang bautismuhan, bumaba ang Espiritu Santo sa Kanya, at narinig ang tinig mula sa langit na nagsasabing Siya ang minamahal na Anak ng Diyos. Ipinapakita nito na bago pa man magsimula ang Kanyang ministeryo, malinaw nang ipinahayag ng Diyos ang Kanyang pagkakakilanlan.

Makikita rin dito ang pagkilos ng Tatlong Persona ng Diyos, ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu Santo, na sabay-sabay na kumikilos. Pinatutunayan nito na si Jesus ay banal, walang kasalanan, at lubos na sumusunod sa kalooban ng Ama. Hindi Niya kinailangang patunayan ang Kanyang sarili sa pamamagitan ng mga gawa muna, sapagkat kinilala na Siya ng Ama kung sino Siya.

Ipinapaalala sa atin ng talatang ito na ang ating pagkakakilanlan ay hindi nakabase sa ating mga nagagawa o sa pagkilala ng tao, kundi sa sinasabi ng Diyos tungkol sa atin. Tulad ni Jesus, tayo man ay tinatanggap at minamahal ng Diyos kahit bago pa natin mapatunayan ang ating sarili.

Ang katotohanang ito ang nagiging matibay na pundasyon ng ating buhay bilang Kristiyano. Dahil alam natin kung sino tayo sa Diyos, naglilingkod tayo hindi upang makakuha ng halaga, kundi dahil mayroon na tayong halaga sa Kanya. Hinahamon din tayo nito na mamuhay nang may pagsunod, kababaang-loob, at ganap na pagpapasakop sa Kanyang kalooban.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang Pag-aaral sa Pananampalataya ng Tagapagbantay sa Filipos" (Acts 16:30–34)

PERSONAL INSIGHT: Nawawala ba ang kaligtasan o hindi?