PERSONAL INSIGHT: Nawawala ba ang kaligtasan o hindi?
Sa usapin ng pagkawala o pananatili ng kaligtasan, mahalagang alalahanin natin na ang Diyos ang may huling kapasyahan. Siya lamang ang lubos na nakakakilala sa puso at pananampalataya ng tao.
Naniniwala ako na ang taong totoong sumampalataya kay Cristo ay may katiyakan ng kaligtasan sa Kanya. Ngunit alam din natin na bilang tao, tayo ay mahina at nagbabago. May mga panahon na malakas ang ating pananampalataya, at may mga panahon ding tayo ay nanghihina. Kaya patuloy tayong tinatawag ng Diyos na manatili kay Cristo at magpatuloy sa pananampalataya. Kaya ipagkatiwala natin ang ating kaligtasan sa Panginoon, hindi sa ating sariling pakiramdam o pananaw.
Kung may mga kapatid tayong naniniwala na hindi nawawala ang kaligtasan, igalang natin sila. At kung may mga naniniwala naman na maaaring talikuran ng tao ang Diyos, unawain din natin sila. Sa huli, ang Diyos lamang ang may ganap na karapatang humusga at nakakaalam ng tunay na kalagayan ng puso ng bawat isa.
Hindi natin nababasa ang isip at puso ng tao. Dahil dito, hindi natin tiyak na alam kung sino ang totoong nanampalataya. Kaya hindi tayo dapat maging mabilis sa paghatol—na para bang kaya nating sabihin nang lubusan kung sino ang ligtas o hindi, kung sino ang mawawalan ng kaligtasan at kung sino ang hindi.
Ang isang tao na malayo ngayon ay maaaring manumbalik bukas. At ang isang tila matatag ngayon ay kailangan pa ring manatiling mapagpakumbaba at nakasandal kay Cristo. Kaya ang pagtingin natin sa ating sarili at sa ibang tao ay hindi dapat ituring na panghuli o ganap na hatol tungkol sa kaligtasan. Tanging ang Diyos lamang ang lubos na nakakaalam kung ano ang tunay na kalagayan ng isang tao sa Kanya.
Ang tao ay nagbabago, ngunit ang Diyos ay hindi nagbabago.
Halimbawa, kung may magtanong kung maliligtas pa kaya ang isang taong tumalikod at nagpalit ng sinasambang diyos, hindi tayo maaaring magsalita nang may lubos na katiyakan sapagkat ang Diyos pa rin ang may huling kapasyahan. Ngunit ito ang ating pinanghahawakan: ang taong sumasamba at nananatiling tapat sa tunay na Diyos ay may katiyakan kay Cristo.
Ang pananaw tungkol sa pagkawala o pananatili ng kaligtasan ay pananaw lamang ng mga mananampalatayang nagsisikap umayon sa Kasulatan. Hindi perpekto ang ating pagkaunawa; si Jesus lamang ang perpekto. Kaya sa halip na hayaang ang usaping ito ang maging dahilan ng pagkakabahagi, nawa’y maging daan ito upang lalo tayong magpakumbaba, magmahalan, at tumingin kay Cristo.
Maraming taon nang pinagtatalunan ang tungkol sa pagkawala o pananatili ng kaligtasan, ngunit habang tayo’y nagtatalo, marami pa ring tao ang hindi nakakakilala kay Jesus. Marami pa ring nangangailangan ng ebanghelyo, pagdidisipulo, pananalangin, at pagmamahal ng iglesia.
Kung tunay tayong lingkod ni Cristo, hindi ang sarili nating pananaw ang ating itataas o ibibida, kundi si Jesus.
Kaya marahil ang mas mahalagang tanong ay hindi: “Sino ang mas tama ang pananaw?” kundi “Sino ang maaabot natin para kay Cristo?”
Ibahagi muna natin si Jesus upang mas maraming tao ang makakilala sa Kanya. Marami ang nanghihina sa pananampalataya, kaya huwag nating hayaang ang mga walang katapusang debate ang maging dahilan ng kanilang pagkadapa. Si Jesus muna ang ating ipangaral bago ang personal nating pananaw tungkol sa kaligtasan.

Mga Komento
Mag-post ng isang Komento