Pananampalataya at Pagpapabawtismo: Ano ang Ugnayan?


Talata: Mga Gawa 16:25–34

Paksa: Pananampalataya at Pagpapabawtismo

Serye: Doktrina, Ugali, Relasyon at Kaligtasan – Ang Katiyakan (Part 2)

 

💬  Kung ikaw ay tunay na nanampalataya at ligtas na… bakit kailangan pang magpabawtismo?

Ito ay hindi simpleng tanong. Ito ay isang tanong na tumutugon o nakakaimpluwensya sa pinakamahalagang bahagi ng ating pagkaunawa sa kaligtasan. Marami ang nagsasabi: “Nanampalataya na ako, sapat na iyon.” Kaya para sa iba, ang bautismo ay nagiging optional, isang simbolo lamang na maaaring gawin… o hindi.

Ngunit ano ang ipinapakita ng Kasulatan base sa karanasan o pagbabalik-loob ng tagapagbantay?

Sa kuwento ng tagapagbantay ng bilangguan sa Mga Gawa 16, makikita natin hindi lamang kung paano nagsisimula ang pananampalataya, kundi kung paano ito agad na tumutugon.

 

1. Bago  ang Pananampalataya: Pagpukaw ng Diyos.

Isang malakas na lindol ang yumanig sa bilangguan. Nabuksan ang mga pintuan. Ngunit higit sa lahat, nayanig ang puso ng tagapagbantay.

Sa gitna ng takot at pagkaunawa sa kanyang kalagayan, siya ay napatanong:

“Mga ginoo, ano ang dapat kong gawin upang maligtas?” (v.30)

Hindi pa ito pananampalataya, ito ay pagkagising. Maraming tao ang hindi lalapit sa Diyos hangga’t hindi sila napupukaw sa katotohanan ng kanilang kalagayan.

 

2. Simula ng Pananampalataya: Pakikinig at Pagtitiwala

Sumagot sina Pablo at Silas:

“Manampalataya ka sa Panginoong Jesus, at maliligtas ka…” (v.31)

Ngunit hindi doon natapos.

Sinasabi sa v.32:

“Ipinahayag nila ang salita ng Panginoon sa kanya…”

Ibig sabihin, ang pananampalataya ay hindi basta pag-oo. Ito ay:

Pagtitiwala kay Jesus bilang tanging Tagapagligtas.

Pagsuko sa Kanya bilang Panginoon.

Pagtanggap sa Kanyang salita.

Ang tunay na pananampalataya ay may laman, ito ay may direksyon, may pinagkakatiwalaan, at may tugon.

 

3. Ang Tugon ng Pananampalataya: Agarang Pagsunod at Bautismo

At ngayon, ang mahalagang bahagi:

“Nang oras ding iyon… siya’y nagpabautismo, pati ang buo niyang sambahayan.” (v.33)

Pansinin: Walang delay. Walang kondisyon. Walang pag-aalinlangan.

Sa parehong oras:

Hinugasan niya ang sugat nina Pablo at Silas → tanda ng pagbabago

Siya ay nagpabautismo → tanda ng pagsunod

Hindi ito aksidente. Hindi ito hiwalay sa kanyang pananampalataya. Sa halip, ito ang agarang tugon o patunay nito.

 

Ano ang ipinapakita ng pattern na ito?

Sa conversion ng tagapagbantay sa Acts of the Apostles 16, malinaw na magkaugnay ang pananampalataya at bautismo. Nang siya’y sumampalataya, agad itong nagpabautismo. Isinagawa o tinupad niya ito ng may pananampalataya. Ipinapakita nito na ang bautismo ay hindi hiwalay sa karanasan ng pagbabalik-loob, kundi isang agarang tugon ng pananampalatayang tunay, sapagkat ang pananampalatayang nagliligtas ay hindi nananatiling walang tugon, kundi kusang sumusunod sa Diyos.

 

Paglilinaw

Hindi lahat ng nagpapabawtismo ay tunay na nananampalataya. May mga tumatanggap nito na walang tunay na pagsuko kay Cristo.

Ngunit hindi rin ipinapakita ng Kasulatan na ang tunay na pananampalataya ay walang agarang tugon at nananatiling hiwalay sa pagsunod.

Sa halip, ang malinaw na pattern ay ito: Ang tunay na pananampalataya ay agad na tumutugon, at ito ay ang pagbabago at bautismo.

Kaya hindi maaaring sabihin: “Nanampalataya ako, pero hindi ko kailangang magpabautismo.”

Sapagkat ang ganitong pananampalataya ay hindi tugma sa ipinapakita ng Kasulatan o sa pagbabalik-loob ng tagapagbantay.

 

Ang Katiyakan ng Kaligtasan

Sinasabi sa v.34:

“Siya’y nagalak… sapagkat siya’y sumampalataya sa Diyos.”

Ang kanyang kagalakan ay nakaangkla sa kanyang pananampalataya ngunit ang pananampalatayang iyon ay hindi nanatiling lihim, walang tugon at nanatilinang hiwalay sa pagsunod.

Ang salita ng Panginoon na ipinahayag ni Pablo ay:

Pinakinggan

Pinaniwalaan

At isinagawa

 

Pagninilay

Ikaw ba ay katulad ng tagapagbantay?

Hindi lamang napukaw…Hindi lamang nakinig…Kundi tunay na nanampalataya at tumugon?

💬Kung ikaw ay nanampalataya kay Jesus, bakit ka mag-aatubiling sumunod?

Ang bautismo ay hindi opsyon, na maaring huwag isagawa.

Ito ay malinaw na agarang tugon o hakbang ng pagsunod ng taong tunay na nanampalataya.

 

Pangwakas

Ang tanong ay hindi lamang: “Nanampalataya ka na ba?”

Kundi: “Ang pananampalataya mo ba ay agarang tumutugon o sumusunod?”

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang Tunay na Pagkakakilanlan ay Nagmumula sa Diyos

Ang Pag-aaral sa Pananampalataya ng Tagapagbantay sa Filipos" (Acts 16:30–34)

PERSONAL INSIGHT: Nawawala ba ang kaligtasan o hindi?